Custom Search

Friday, January 30, 2009

TSINELAS



by dhon esguerra

Pumunta ko nung isang araw sa SM Cubao para bilhan ng carrots ang nanay ko sa grocery. Umakyat ako sa second floor para tumingin na rin ng tsinelas kasi medyo manipis na yung tsinelas ko at yung isa ko namang tsinelas eh regalo ng nobya ko at ginagamit ko lang pag may lakad ako. Ikot dito, ikot doon, langhiya wala na kong makitang tsinelas na bababa sa 69php ang presyo. Nsubukan ko ng bumili ng tsinelas na tig-69php at hindi talaga matibay. Parang karton sa gaan at pagkatapos ng isang linggo pisat na. Kung binili mo ng size 8 after 1 week size 9 na, lumuwag na dahil na flat na. Grabe, may nakita pa ko umaabot ng libo ang presyo mukha namang ispartan lang. Pag tinanong mo ang mga taong bumibili ng tsinelas na ganoon kamahal ang sasabihin nila sulit naman daw kasi matibay at imported. Hindi totoo, naaalalala ko pa nung bata ako ang tsinelas ko Rambo ang tatak 20php lang. At sigurado ko na matibay yun. Ginagamit ko pantakbo, pamato sa tumbang preso at pambato sa tatching buo pa rin. Patibayan yung paa mo at yung tsinelas kung sino maunang mapupudpod. Dati pag sinabi ng nanay ko na "pumasok ka na kung hindi tsi-tsinelasin kita" aba, pumapasok ako at tiyak lalatay yun. Ganun katibay mga tsinelas noon. Yung tsinelas ngayon pag pinanakot mo sa bata tatawanan ka lang. Ngayon kasi kahit saan tsinelas na ang suot ng tao. Kulang na lang sa kasal at binyag mag-tsinelas na din. Dati di naman tayo ganyan kaaarte sa tsinelas. Sinong batang kalye ang hindi naka experience na mapatiran ng tsinelas at ang number 1 first aid eh lagyan ng pin sa ilalim para magamit pa? Dati ang pinaka sosyal ng tsinelas ay Islander dahil saandaan mahigit yun. ( Teka may naalala lang ako, nasaan na nga pala yung Mighty Kid na brand ng sapatos? Na kasabay na sponsor ng Moose apparel sa Pen Pen de Sara Pen). Kahit ano pa sabihin ninyo at pagtatangol sa mamahaling brand ninyong tsinelas, tsinelas pa rin yan. Dati wala akong paki-alam sa mga bagay bagay na ganyan kaya ang akala ko Marikina din ang Tsinelas capital ng Pilipinas dahil yun ang Shoe capital natin. Natauhan lang ako nung minsang nag-attend kami ng kasal ng nobya ko sa Sta. Cruz, Laguna. Nagkayayaan kami na pumunta sa isang resort sa Liliw, Laguna. Mga 30 minutes din ang byahe o mahigit pa, nagulat ako sa dami ng Tsinelas na tinitinda sa lugar na yun. Bawat bahay may kanya kanyang tindahan ng tsinelas. Kung hindi man bagsak presyo, makatarungan naman ang halaga. Noon ko nalaman na ang Liliw, Laguna pala ang Tsinelas Capital ng Pilipinas. Sa halagang 100php nakabili ako ng tatalong pares ng tsinelas na pampasalubong. Hindi naman liblib yung lugar kasi may 7-11 at Jollibee sa kanto. Marami rin kaming kasabayang namimili doon, Yung iba mayayaman pa talaga dahil may dala pang magagarang sasakyan. May mga balikbayan pa na namamakyaw at dadalhin daw niya pag balik sa Amerika. Mahalaga ba talaga na imported ang tsinelas mo? Mahalaga ba talaga na branded pa? Kapag laging ganito kaisipan natin bukas makalawa lahat ng industriya natin mamamatay na lang.

No comments:

Post a Comment